Utak-tingi

Ang tingi-tinging pag-iisip at paggawa ay isang katangiang Pinoy na nanalaytay sa ugat mula noon hanggang ngayon. Kaya naman ang kasaysayan ng Pilipinas ay payak din lamang kung ihahalintulad sa mga great nations and cities noon pa mang pasimula rin ang kanilang sibilisasyon. Hanggang ngayon ito pa rin ang kulturang umiiral sa mga Pinoy na marahil ay isa sa pangunahing dahilan kung bakit napakabagal ng pag-usad ng pag-unlad ng bansa. Ang konsepto ng ‘isang kahig, isang tuka’ na karaniwan pa ring masasalamin sa mga Pinoy sa pang-araw-araw na pamumuhay ay may malalim na pinagmulan noon pa mang namuhay ang mga sinaunang Pilipino. Ang pinagpaguran ngayon ay saktong pangkain lang mamaya, ang ginagawa ngayon ay siyang gagamitin din lamang mamaya. Kumbaga, walang excess product o walang konsepto ng mass production kase nga utak-tingi at maliit mag-isip ang Pinoy.

Ayon sa sanaysay na ‘The Heritage of Smallness’ ni National Artist Nick Juaquin,  maliit mag-isip ang Pinoy. Mahihinuha sa kasaysayan ang mga patunay na ang pag-iisip at paggawa ng mga Pinoy ay limitado lamang sa maliit ng aspeto. Kung magagawi tayo sa National Museum, ang mga nakadisplay lang doon ay pawang mga gawa sa simpleng material at payak na kaanyuan na ginawa ng taong namuhay noon sa Pilipinas. Banga, pulseras, kwentas, palayok na gawa sa luwad at iba pang malalambot na bagay. Hindi sila sumubok ng mga materials na nangangailangan ng komplekadong pag-iisip at kasanayan para hulmahin. ‘Ika nga e, they cede to the materials that resist, malayo sa ibang nasyon na may makikitang mga artifacts na may komplikadong desinyo at kagamitan kahit sa pasimula ng kanilang sibilisasyon tulad ng porselana, at curved and shaped metals, mga makasaysayang pinta at iskultura. Kung tutuusin, may kasanayan ang Pinoy sa gawaing maliliit, yung mga tipong kutkutin ngunit takot sumubok sa pangmalakihan. Ang rice terraces sa Ifugao na ipinagmamalaking ‘man-made wonder’ ay gawa rin lamang sa paunti-unting paghulma sa kabundukan na pinagdugtong-dugtong sa loob ng ilang henerasyon ngunit ito ay walang tinatawag na masterplan. Malayo sa pagkakagawa tulad ng mga istrakturang nasa ‘7 Wonders of the World’, na may komprehensibong plano at ginamitan ng komplekadong pag-iisip. Ang isa pa, ang pinoy ay napapako na lamang sa isang nakasanayang gawin, paulit-ulit, hindi nag-iimprove ang produkto o hindi naglelevel-up sa mas makabago at komplikadong gawain.

Hanggang ngayon, heto pa rin at namamayagpag ang kaliitan at kababawang mag-isip ng Pinoy. Halimbawa, karamihan sa mga magsasaka sa kanayunan ay kalabaw pa rin ang gamit sa pag-aararo habang ang ibang nasyon ay gumagamit na ng planting machines. Sa transportasyon, jeepney pa rin ang naghahari sa lansangan na ang disenyo ay mula pa noong world war II at naaangkop lamang ang pagkakagawa para sa paghahatid ng mga sundalo sa military operations hindi para gamitin ng publiko. Andyan pa rin ang tricycle, kuliglig, padyak at trolly sa riles na parang laruan lamang ng mga bata ay kasama pa rin sa itinuturing na PUV at nagiging sanhi pa rin sa nagsisikip ng makikipot na lansangan sa bansa. Ang mga bus na basura ng China at Japan ay gumugulong pa rin sa kamaynilaan kahit kakaragkarag na at madalas masiraan. Kaya naman ang resulta, napakabigat na trapiko na kung susumahin ay mas lalong maraming pagod at oras ang nasasayang, mas maraming enerhiya ang nawawala.   Kung ang ibang bansa ay nagtatayo na ng magnetic levitated train, ang DOTC ay hindi magawan ng paraan kung paano mapapatinong patakbuhin ang MRT at LRT. Kung ang ibang bansa ay iniisip na kung paano makakarating sa buwan o sa Mars, ang nasa isip pa ng mga Pinoy ay kung paano makakarating sa Japan, Canada, o US. Masipag ang mga Pinoy kaya nga lang kulang sa abilidad. Iba ang masipag sa maabilidad. Ang mga naglalako ng may sunong na aparador ay kilo-kilometrong naglalakad maghapon, maswerte na  kapag may nabenta at minsan ay hulugan pa, ang mga naglalako ng piso-pisong di-hawlang maya na maghapong binabantayan, ang maghahabing isang linggo ginagawa ang isang sweat-shirt ay ilang halimbawa na maraming naaaksayang oras at pagod para sa isang maliit na gawain o karampot na finished product .  ‘Ika nga much effort gets less, work more make less.  At kapag pinagsasabihang hindi sila gumawa ng produktibong gawain ay laging pamatay na sasabihin, ‘kaysa wala’ o ‘kaysa magnakaw’.  Ayos lamang para sa isang tindero ng tindahan kung bibilhan siya ng isang stick na sigarilyo, pisong suka at toyo, isang sachet na shampoo kahit sa oras ng pagsisyesta. Kung sa ibang nasyon ito gagawin siguradong mura ang aabutin ng bumibili dahil sa kanila ang pinakamaliit na transaksyon ay kada kahon, kada bundle, kada dosena, dahil para sa kanila, isang pag-aaksaya ng oras at pagod ang tingi-tinging negosasyon.

Maging sa political government, tingi rin ang konsepto ng Pinoy. Barangay ang pinakamaliit na yunit ng lipunan dahil kung ang munisipyo ang pangunahing yunit, iniisip na maaring hindi na kayang hawakan ang nasasakupan dahil ito’y lubhang ‘malawak’ para mapamunuan. Hindi pa riyan natatapos ang paghahati ng yunit ng pamunuan, sa isang barangay, may sub-unit pa rin, nariyan ang sitio, zone na may kanya-kanya ring nakatalagang sub-leader. Kapag lumalaki na ang populasyon ng isang bayan, ito ay nahahati na sa isa pang  bayan, at nanganganak ng isang pang bayan dahil nga ayaw ng malaking gawain, ayaw ng malaking isipin at ayaw ng malaking responsibilidad. ‘Ika nga, “we do not grow up, we split like amoeba”.  Sa kasaysayan, nagpasimula lamang ang istorya ng Pilipinas noong ikalabing-anim na siglo kung kailan dumating si Magellan sa Pilipinas. Ngunit kung tutuusin, bago pa man dumating ang mga Kastila may pamunuan nang umiiral sa mga isla kaya nga lamang ay pulu-pulutong o walang centralized government. Ang mga datu at raha noon ay tamad maggalugad, walang tribu ang namayagpag na sakupin ang iba pang tribu upang makalikha ng isang malaking sakop o magsanib ang mga tribu upang makalikha ng isang malaking teritoryo at mas lumakas na pwersa laban sa mga mananakop.

Dumako tayo sa mga pagawaing bayan, buhat noon, ano na ang nagawang malakihang imprastraktura na mapapansin ng mundo? Noong panahon ni Macoy, nakapagpatayo siya ng nuclear power plant sa Bataan, ngunit ni minsa’y hindi nagamit dahil sa takot sa radioactive emission at nagmistulang pagapangan na lang ng upo at kalabasa . Sa wari ko ba’y parang mga katutubong nakabili ng gas stove na hindi ginagamit dahil takot at baka sumabog. Sa Metro Manila, hindi umuubra ang makikipot na lansangan sa  mataas na volume ng mga sasakyan at ni walang nakakaisip at nagpaplanong magdagdag ng ilang layers ng skyway upang lumuwag ang trapiko. Ilang dekada na rin ang kinakalbaryo ng mga mamamayan tuwing tag-ulan? ‘Ika nga maihi lang ang kabayo, siguradong babaha na sa Metro Manila. Nasaan na kaya ang ipinagmamalaking flood control project ng MMDA noon na kapag bumaha raw, sa loob ng kalahating oras ay huhupa na. Ang hindi ko lang alam kung alin ang mawawala, yung tubig o yung lupa. Ito ay taun-taon nang suliranin na buhay at kabuhayan ang nakataya, bakit kaya hindi makapagsimula ang komprehensibong plano para sa flood control? Marahil nga siguro ay makitid at limitadong mag-isip ang mga pamunuan nito na iniluklok ng mga may makitid at limitadong pag-iisip din.

Sa panahon ng eleksyon, umiiral din ang pagiging utak-tingi. Hindi kayang arukin ng pag-iisip ng ordinaryong botante ang pag-aralan ang kakayahan ng isang kandidato  at halungkatin ang tunay na pagkatao nito.  Kontento na ang mga bobotante sa iniabot na pangmiryenda kapalit ng boto. Superhero ang dating ng pulitiko kapag may dalang relief goods na mas mahal pa ang pagkakaimprenta ng pagmumukha sa bag na lalagyan. Mas lalamang sa balota ang mga kandidatong kumakanta at sumasayaw sa pangangampanya,  ang mga kandidatong artista na bumibida sa pelikula, ang malalakas umepal sa mga kaganapan sa bansa dahil mas ginugusto ng tao ang mala-variety shows ang kanilang masasaksihan sa campaign rally hindi para pag aralan at kilatisin ang mga kandidato. Dito magagaling ang mga Pinoy, mas nahuhumaling ang Pilipino sa entertainment kaysa development. Okay lang walang makain basta may kasiyahan.

Ngunit ang masasabi ko, may mga pangmalakihang bagay na kilala ang Pinoy sa mundo, malaking populasyon at  ang mga pulitiko, malakihan kung mangurakot, that’s it!  Habang ang mga Pinoy ay hindi nagbabago ng kultura ng kaliitan, malabong makagawa ng malaking hakbang sa pag-unlad dahil ang utak-tingi ay kapatid ng UTAK-TANGA.


Bapor Tabo

Hindi maikakaila na magpasahanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagdidiskrimina ng Pilipino sa uri ng trabaho at antas sa lipunan. Noong nakaraang araw, kumalat sa social media ang isang nakapaskil sa isang condo building (Icon residences). Isang Katherine Garrido ay naglabas ng memo sa building at Nakalagay doon ang pagbabawal sa mga maids, drivers and service crews na gumamit ng ‘regular’ na elevators at doon lamang sila dapat sasakay sa service elevator. Gusto kong mawari kung anong makataong katwiran ang maaring magbigay liwanag ang pangyayaring ito.  Ang service elevator ay ginagamit ng may malaking dala-dalahan o nakatrolley, ngunit sa pagkakaunawa ko sa pangyayari, may dala man o wala, ang mga service crews ay dapat iyon lang ang gagamitin. Bakit? mababaho ba ang mga services crews na’to, may nakakahawa bang sakit, mapanganib bang kasakay sila? Samakatuwid, ang building na’to ay nagdidiskrimina sa uri ng tao o uri ng trabaho ng tao. Maiihalintulad ito sa Bapor Tabo sa nobelang El Filibusterismo ni Jose Rizal kung saan ang barko ay nahahati sa dalawang seksyon, ang taas at ibaba. Sa ibabang parte naroon ang mga intsik, meztiso at mga indyo na noon ay mababang uri sa lipunan, samantalang ang itaas na bahagi naman ay naroon ang mga prayle at mga nakabihis-europeo na itinuturing na may kapangyarihan at elitista. Ang mga nasa ibaba ay hindi pwedeng makihalubilo sa mga nasa itaas. Sa nobela, tinutuligsa ni Rizal, ang mababang pagtingin sa mga indyo (mga Pilipino) ng mga nasa taas ng lipunan.

Ang bawat isa ay may kanya kanyang papel sa lipunan, may kanya kanyang trabahong ginagawa. Hindi gagana ang isa kung wala ang isa. Sa mga mauunlad na bansa, matataas ang respeto sa isa’t isa kahit anumang uri ng trabaho mayroon, propesyonal, basurero, negosyante, tagalinis. Ang mga amo ay hindi nagpapatawag ng sir o madam,  senior o seniora, mas ginugustong magtawagan sila sa first name dahil nga ang pagtrato ay hindi tumitingin sa kung anong uri ng trabaho.  Dahil unawa nila na hindi rin sila makakapagtrabaho kung wala ang mga taong tumutulong sa kanila. Ganito rin ba ang pagtrato ng mga 'matataas' na pinoy sa mga service workers? Hindi, nandoon pa rin sa sinaunang kaugalian, kung saan mayroong amo, at mayroong alipin. Sinasabi ngang humahakbang tayong pabalik, hindi pasulong kaya wala sa pag-unlad ang bansa.

Habang ang mundo ay lumalaban sa racial discrimination, religious discrimination, at work discrimination, heto’t tumatambad pa rin ang ugaling Pinoy na sumasalangsang sa aspeto ng humanidad. Feeling siguro ng mapagmataas na mga taong ito na sila lamang ang mga anak ng diyos. Kung tutuusin, pare-parehas  lamang na nagtatrabaho, kumakain, natutulog , humihinga at pare-parehas lamang na mababaho ang tae, pare-parehas lamang na nabubulok kaya walang dapat magmalaki at magmataas.


Sabi Mo

Sabi MO, ang gobyerno natin ay palpak.
Sabi MO, ang mga batas natin ay mistulang suhestyon at hindi regulasyon.
Sabi MO, ang lokal na pamahalaan natin ay hindi maganda ang pagkolekta ng basura at ang paglilinis ng mga lugar.
Sabi MO, hindi gumagana ang mga telepono, katatawanan ang kalagayan ng trapiko, at hindi nakakarating sa paroroonan ang mga sulat.
Sabi MO, parang nasadlak sa basura ang ating buong bansa.
Sabi MO, puro kurakot ang mga opisyal ng gobyerno.
Sabi Mo, sabi MO, sabi MO.

Eh ano'ng ginagawa mo tungkol dito?

Kumuha ka ng isang taong papunta sa Singapore .
Bigyan mo sya ng pangalan, yung sa IYO.
Bigyan MO sya ng mukha, yung sa IYO. Lumabas KA sa airport nang pinakamatino mong sarili na maipagmamalaki sa mundo..
Sa Singapore Hindi KA nagtatapon ng upos ng sigarilyo sa kalye. Ipinagmamalaki MO ang magaganda nilang underpass. Nagbabayad KA ng mga 60 pesos para makapagmaneho sa Orchard Road (parang EDSA) mula alas 5 hanggang alas 8 ng gabi. Bumalik KA sa parking lot para bayaran ang parking tiket MO kung napasobra ka ng oras sa shopping o sa pagkain sa isang restaurant.
Sa Singapore , wala KAng sinasabi, meron ba?
Hindi MO susubukang kumain sa lantad kapag Ramadan sa Dubai .
Hindi MO susubukang lumabas ng bahay ng hindi naka-abaya sa Riyadh.
Hindi MO susubukang lagyan ang isang empleyado ng kumpanya ng telepono sa London para mapunta sa ibang tao ang mga long distance na tawag mo.

Hindi MO susubukang lumampas ng 90 kilometers per hour sa Washington, at saka sasabihin sa pulis "Alam mo kung sino ako?"
Hindi MO magagawang magbigay na 'lagay' kapag kumukuha ng 'driver's license' sa Milan.
Bakit di MO subukang dumura o magtapon ng upos ng sigarilyo o balat ng kendi sa mga kalye sa Tokyo ?
Bakit hindi MO subukang bumili ng pekeng mga papeles sa Boston tulad ng ginagawa sa Recto?

Pinag-uusapan pa rin natin IKAW.
IKAW na gumagalang at sumusunod sa patakarang banyaga sa ibang bansa pero hindi makasunod sa sarili mong lugar.
IKAW na tapon ng tapon sa kalye pagtuntong mo pa lang sa lupa.
Kung IKAW ay nakikisalamuha at pumupuri ng systema sa bansang banyaga, bakit hindi KA maging ganyan sa Pilipinas?

Minsan sa isang panayam, ang dating Subic Administrator at dating senador na si Gordon ay may katwiran ng sinabi nyang "Ang mga aso ng mayayaman ay pinalalakad at pinadudumi ng may-ari sa kalye, tapos sila mismo ang pumupuna sa may katungkulan sa kapalpakan sa paglilinis ng mga kalye. Ano ang gusto nilang gawin ng mga may katungkulan? Magwalis tuwing makakaramdam ng hindi maganda sa tiyan ang kanilang alaga?" Sa America , bawat may-ari ng alaga ay dapat maglinis matapos ang pagdumi ng aso. Ganuon din sa Japan . Gagawin ba ng mga Pilipino yun dito? Tama sya.
Umaasa tayo sa pamahalaan na maglinis, ngunit hindi naman tayo titigil sa pagtatapon ng basura sa kung saan-saan, at ni hindi tayo pupulot ng anumang piraso ng papel para itapon sa basurahan.
Malaya tayong pumili ng gobyerno, nasa atin ang lahat na karapatan upang magluklok ng mangangasiwa rito. Ngunit, bakit umiiral ang katangahan at kabobohan sa oras ng eleksyon? Maliwanag pa sa sikat ng araw na mandarambong at tuso na mga kandidato, sila pa ang ibinoboto.
Pumupunta tayo sa botohan para pumili ng gobyerno at pagkatapos nuon ay tinatanggal na natin sa sarili ang responsibilidad. Uupo tayo sa isang tabi at naghihintay ng pagkalinga at umaasa na gagawin ng gobyerno ang lahat habang wala tayong iniaalay.

Pagdating sa mga panlipunang talakayin tulad nang hindi pagiging tapat sa kasal, sa mga dalagang ina, sa pagtatalik ng walang basbas ng kasal, at iba pa, maingay tayong nagpoprotesta ngunit patuloy naman nating ginagawa ang mga ito.

Sa sandaling tayo ay mangulila kapag nasa labas tayo ng bansa, naghahanap tayo ng aliw sa iba, kadalasan sa kapwa rin natin Pilipino, na hindi natin iniisip ang ating katungkulan na ating sinumpaan sa ating pamilya nuong narito pa tayo. Gayundin ang mga naiwan sa bansa, hindi na rin naiisip ang sakripisyong pumunta sa ibang bansa upang mapunan ang pangangailangan ng pamilya. Tapos sinisisi natin ang pamahalaan kapag nakikita natin ang karahasan sa kabataan, pagkagumon sa bawal na gamot, at iba pa, samantalang sinimulan natin ito sa hindi pagpansin sa pangangailangan ng ating mga anak ng tunay na pag-gabay at responsibilidad ng isang magulang.
Ang sabi natin, "Ang buong sistema ang kailangang magbago. Ano ang magagawa kung ako lang ang magpapabago sa aking pamilya?"

Eh sino ang magbabago ng sistema?

Ano ba ang mga sangkap ng sistema? Napakaginhawa sa atin na ang sistema ay binubuo ng ating mga kapitbahay, mga ibang tahanan, ibang syudad, ibang komunidad, at ang pamahalaan. Pero hindi kasama IKAW at AKO. Pagdating sa ating pagkakaroon ng positibong handog sa sistema, ikinakandado natin ang sarili, pati na ang ating pamilya sa loob ng isang ligtas na pugad at tumatanaw na lang tayo sa malayong mga lugar at bansa at naghihintay ng isang Mr. Clean na dumating at maghatid ng mga himala.

O lumilikas tayo. Parang mga tamad na duwag na hindi pinatatahimik ng ating mga takot, tumatakbo tayo sa Amerika upang makisalo sa kanilang luwalhati at purihin ang kanilang sistema. Pero pag naging masalimuot sa New York tatakbo tayo sa Japan o Hongkong. Pag nagkahirapan ang paghanap ng trabaho sa Hongkong at kalamidad sa Japan, sakay agad tayo sa susunod na eroplano patungong Gitnang Silangan. Pag may digmaan sa Gulf, inaasahan nating masagip at mapauwi ng sinasabi MOng bulok na Gobyernong Pilipino.

Lahat ay handang umabuso at gumahasa sa bansa. Walang nag-iisip na handugan ang sistema. Ang konsyensya natin ay nakasanla sa pera. Mga mahal kong kababayan, ang sulating ito ay matinding nakakakislot ng isipan, nangangailangan ng maraming pagmumuni-muni, at tumutusok din sa konsyensya. Medyo inuulit ko lang ayon sa ating salita ang mga salita ni John F.Kennedy sa kanyang kabansa upang maitugma sa ating mga Pilipino:

"Huwag nating itanong kung ano ang magagawa ng bansa para sa atin kundi ang itanong natin kung ano ang magagawa natin sa ating bansang Pilipinas at gawin ang nararapat upang ang Pilipinas ay maging tulad ng Amerika at ibang kanlurang bansa ngayon." 




Yolly

Isang bangungot ang dinanas ng Pilipinas noong nakaraan taon sa paghagupit ng bagyong Yolanda na  nagtala sa kasaysayan na isa sa pinakamalakas na bugso at bilis. Literal na binura sa mapa ang Tacloban City at iba pang karatig na bayan. Wika ni Mayor Duterte, wala ang presensya ng diyos ng panahong binabayo ng bagyo ang lugar dahil sa nakapanlulumong sinapit. Mahigit kumulang 7,000 ang naitalang nasawi,  at daang libo ang direktang apektado ng naturang bagyo.

Naging sentro ng attention ng mundo ang sinapit ng bansa. Umiere sa mga international media ang mga pangyayari sa kasagsagan at ng aftermath ng bagyo. At dito nasukat tunay na kahandaan ng bansa sa maliit man o sa malaking mga kalamidad. Nasukat din at nabatid ng mundo kung anong klaseng diskarte meron ang gobyerno sa pagproseso ng isang worst-case scenario. May kasabihan, ang tunay na ugali ay lumalabas kapag ‘under pressure’ sa sitwasyon. Sa pagkakataong iyon, lumabas ang tunay na ugali ng mga pulitiko sa Pilipinas. Umuusok ang bunbunan kapag nakakarinig na makupad at inutil sa pag-aksyon sa nagdaang kalamidad. Nakairingan ni DILG Sec. Mar Roxas ang CNN reporter na si Steven Andrews, pati si Anderson Cooper  dahil sa diumano’y ‘exaggerated news’ na paglalarawan nila sa aftermath ng bagyo. Ngunit sa mata ng international audience, nagpakita lamang sila ng kaistupiduhang ugaling ‘more reaction than action’.  Bakit kailangang pagtakpan ang tunay na sitwasyon sa lugar? Napabalitang sinibak sa pwesto ang hepe ng pulis sa naturang bayan dahil nagbanggit siya ng casualty figure na mahigit-kumulang na 10000, taliwas sa ipinahayag ni PNoy sa international media na mahigit-kumulang 2000 lamang ang namatay. Napulitika din daw ang Mayor ng naturang bayan na nagmistulang ‘paralitikong gulay’ dahil hindi sya kaalyado ng administrasyon kaya hindi ganoon ka-smooth ang communication ng local government sa national government tungkol sa dinanas ng lugar.

Si Sec. Panfilo Lacson, dating senador, at dating PNP chief, naatasang mangasiwa sa assessment and rehabilitation ng mga naapektuhan ni Yolanda. Bakit kaya siya pa ang itinalaga doon? Malay ng taong ito sa engineering works at infra projects. Nitong nakaraang buwan, inanunsyo ni PNoy nabuo na raw ang master plan para sa rehabilitasyon ng nasirang lugar. Juice mio! anong petsa na? plano pa lang ‘yan, wala pa iyong actual na ginagawa. Ang mga libo-libong apektado ay kasalukuyan pa ring nganga sa ayuda ng gobyerno. Kumusta na ang kulang-kulang 20 bilyong pisong donasyon galing sa iba't ibang bansa, napupunta ba sa rehabilitasyon ng lugar? May tamang pag-audit kaya ng paggastos nito?

Resilient na raw ang mga Pinoy sa bagyo pero ito na rin marahil ang dahilan kung bakit tuwing may ibinabalitang parating na isang malakas ng bagyo ay parelax-relax pa rin, pabingo bingo, pa-toma toma. Saka lang nagkukumahog maghanda at lumikas kapag mismong binabagyo na at tinatangay na ng hangin at baha ang mga kani-kanilang mga bahay. Ang tawag dito ay ‘utak-tingi’  o patingi-tinging pag-iisip sa bagay-bagay, isang karaniwang sisteng Pinoy, isang sa dahilan ng mabagal na pag-unlad ng bansa dahil sa napakapayak na pag-iisip.


Kamatayan at Kaluluwa

Sa ika-uno ng Nobyembre, ginugunita ng mga Pinoy ang Araw ng mga Patay, sa ika-dos naman ay Araw ng Kaluluwa.  Ito ang isang tradisyon taun-taon bilang pagunita sa mga pumanaw na mahal sa buhay. Sila ay nananatili pa ring buhay sa alaala sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang mga puntod.

Ang kamatayan ay isang pangyayaring hindi kayang baliin. Ito ay batas ng kalikasan na umiiral sa sansinukob, ‘ika nga ‘kapag may simula, may wakas’. Ang sabi sa Kasulatan, ang kamatayan daw ay isa sa parusa ng Diyos dahil sa unang pagsuway sa kautusan ng unang tao sa balat ng lupa na sina Adan at Eva. Hindi ko lubos maisip kung ano ang itsura ng mundo ngayon kung walang kamatayan, siguradong overloaded na ang mundo (zillions of population would be alive today, excluded the plants and animals). Imagine, may chance mo pang makausap sina Adan at Eva ng personal kung hindi sila nagkasala noon.  Minsan may nabasa akong kasaysayan sa sinaunang dinastiya sa Tsina. Si Emperor Qin Shi Huang Ti noon ang nagpahanap sa kanyang mga tauhan ng ‘fountain of youth’ sa gawing silangan ng Tsina dahil gusto niyang manatiling bata at mabuhay ng matagal o magpakaylanman, the elixir of life. May mga bagay kase noon na ang paniniwala ay hindi nagkakalayo ang katotohanan at pantasya, kaya naman marami ang mga sinaunang aklat at kasulatan ang mayaman sa magical events, kasama na riyan ang mga religious scriptures. Because of craziness of this leader, nasimulan ang pagtatayo ng Great Wall of China dahil may manghuhulang nakapagsabi sa emperor na ang makakapatay sa kanya ay mga barbarong Mongols, kaya nagpatayo ng napakahabang pader sa dakong hilaga ng Tsina kung saan magsisilbing harang sa mga barbaro at nomads na mula sa labas ng Tsina. Ngunit gaano man kalakas, gaano man kalaki, gaano man kalawak  ang mga imperyo at dinastiya ay nagwawakas, ang mga matitikas na mga hari at emperor ay humihina at namamatay din.

Ang kamatayan marahil ay isa sa mga dahilan kung bakit naimbento ang mga relihiyon kung saan hindi nagkakaiba ang turo tungkol dito. Sinasabi na ang buhay sa mundo ay panandalian lamang. Ang walang hanggang buhay ay pagkatapos ng kamatayan na tinatawag na ‘sumakabilang buhay’. Marahil ay hindi matanggap ng tao na ang istorya ay nagtatapos sa kamatayan kaya kailangang mapaniwala ang sarili na may buhay pagkatapos ng kamatayan. Hindi rin nagkakaiba ang turo sa hatol sa mabubuti at masasama kung saan ang kani-kanilang Supreme Being ay may reward and punish system. Sa paniniwalang Kristiyano, langit, at impyerno ang destinasyon. Ang langit ay destinasyon ng mga mababait kung saan inilalarawan ito na katulad ng isang paraiso at lantay ng ginto ang paligid na may nagkakantahang mga angel. Impyerno naman ang bagsak ng mga pasaway kung saan ito ay dagat ng apoy at puno ng paghihirap. Ganun din ang Judaismo.  Ang katoliko kristiyano ay may idinagdag pang semi-impyerno o purgatoryo kung saan inilalagay ang may mga pending cases, kumbaga eto yung detention cell na tipong kailangang ipaglaban sa court of appeal upang maisalba sa dagat ng apoy. Ang mga taong buhay ang umaapila para sa mga ito upang mahango sa semi-impyerno na’to. Ganito ang paulit ulit na inuusal,  “…hanguin mo ang mga kaluluwa sa purgatoryo, lalung-lalo na ang nangangailangan ng iyong awa…”.  Sa paniniwalang Islam, kapag nabuhay ang isang muslim ng kalugod lugod kay Allah ay pupunta sa langit at reregaluhan ng pitumpu’t dalawang babaeng  virgin, (aba, langit nga!), at ang mga pasaway ay sa impyerno rin ang bagsak. Hindi uso ang paggunita sa mga yumao. Walang dalaw dalaw sa puntod dahil ‘anila, ang mga labi ay isa na lamang na ordinaryong lupa na tulad ng nakikita sa lansangan. Ang relihiyong Buddhism ay walang diyos. Si Buddha para sa kanila ay pinakanatatanging tao. Ayon sa kanila, si Buddha ay narating ang pinakamatayog na kaluwalhatian (nirvana) ng pagiging tao. Kaya ang aral at turo ni Buddha ang kanilang sinusunod upang sila ay makatamasa rin ng nirvana. Naniniwala sila sa reincarnation na kung saan ang pumanaw na tao ay nabubuhay muli sa kaanyuan ng ibang tao at anyong hayop naman sa mga taong namuhay na pasaway sa lupa. Ito ang reward and punish system after death na pinaniniwalaan nila. May klasipikasyon din ang reincarnation ayon sa antas ng kabaitan at kasamaan, ang may mataas na ‘kabaitan’ ay nag-rereincarnate sa isang mataas at kinikilalang tao sa lipunan habang ang masyadong ‘pasaway’ ay nagrereincarnate bilang isang kadiri at mababang uri ng hayop.

Karaniwan na rin sa kamalayan na kapag namatay ang isang tao, humihiwalay ang kanyang kaluluwa sa katawang lupa. Subalit ano nga ba ang kaluluwa?  Kung pagbabatayan ang mga napapanood sa mga pelikula, nakaguhit sa mga larawan, ito ay may transparent o semi-transparent na kaanyuan pero ‘glow in the dark’ na hawig din ng anyo ng katawan at karaniwan ay kung ano ang hitsura ng sila’y namatay. Sa mga horror movies, ang mga ‘kaluluwang ligaw’ o iyong hindi pa ‘umaakyat’ ay tinatawag na multo. Karaniwang nakabarong o babaeng sumusuka ng dugo o babaeng nakaputing kamison na nakalugay ang mahabang buhok sa bandang mukha o aninong nakikita sa sinag ng bintana o sa ilalim ng kama. Hindi pahuhuli ang mga Pinoy sa paniniwala tungkol sa kaluluwa at multo, kung saan halos ang bawat isa ay may kanya kanyang ‘multo’ story naganap sa kanilang buhay. Sa aspeto ng pilosopiya at ng mga makata, ang ‘kaluluwa’ ay ang pagkatao na kinapapalooban ng isip at dangal, as in, ‘puso’t kaluluwa’. ‘Ika ng mga lovers, “…ibibigay ko sa’yo ang aking puso’t kaluluwa…”

Ating tingnan ang mas sistematikong paliwanag sa kaluluwa,  ayon  sa dialectical materialism, ang kaluluwa ay ang consciousness ng tao, ang produkto ng utak, ito ay ang ‘diwa’ o ‘ulirat’ sa tagalog. Ang science ay hindi rin isinasaisang tabi ang pag-aaral tungkol sa ‘kaluluwa’ ng mga namayapa. In physics, the law of conservation of energy states that energy cannot created nor destroy. Ito ang aking pagbabasehan ng aking paliwanag dito. Maaring ang kaluluwang tinatawag ay yung transformed energy na nangyayari kapag namatay ang isang tao. Ang energy composition ng isang buhay na nilalang ay nagbi-breakdown sa iba’t ibang uri ng energy kapag namatay. For example, ang mga nabuhay na mga dinasaurs noon ay buhay pa rin hanggang ngayon sa ibang kaanyuang enerhiya. Ang fossils na kanilang iniwan ay pangunahing sangkap sa petrolyo, a form of energy. Maari rin naman na may iba pang consolidated atomic energy particles na gumagala sa atmosphere na may kani-kanilang pagkakakilanlan kung sino at anong uring nilalang, at ito marahil ang ‘kaluluwa’. Let’s say Jose Rizal, ang kanyang kaluluwa ay nasa atmosphere o nasa kalawakan lang ngayon, in the form of energy with certain patterns and identification. Makikilala siya ng isa rin kaluluwa na may patterns and identification din pero hindi na katulad ng pagkakakilanlan noong nabubuhay kung saan may pangalan at physical features. It’s something like in the digital world, where identities are determine in 1’s and 0’s, hexadecimals, etc. or maari rin, in the forms of wave and vibrations. Ang kaisipang ito ay maaring isang pseudoscience lamang, wala pa ring konkretong basehan at dala lang ng aking malikot na imahinasyon. Pero sa palagay ko, ito ay mas malapit sa katotohanan kaysa ibang paliwanag at paglalarawan dito. Kung ang teoryang ito ay totoo, kailangang makaimbento ng specialized modem or decoder upang makilala at magkaroon ng interaction sa isang kaluluwa. Pero sa ngayon, isang crystal ball or spirit of the glass lang ni Aling Tinay ay nagkakaigi na, pwede nang makachat ang kaluluwa ng namayapa, walang binatbat ang skype at yahoo messenger.

Ang basehan ng halaga ng buhay ng tao ay hindi kung gaano katagal nabuhay sa ibabaw ng daigdig kundi kung paano namuhay . Matagal ngang nabuhay pero wala namang nagawa, ito yung tinatawag na ‘basta na humihinga’. Mabuti pa ang namatay na mas bata pero nakagawa ng makabuluhang ambag sa sangkatauhan. Ang mga namuhay tulad nina Jesus Christ, Martin Luther Jr., Jose Rizal, Bob Marley, at John Lennon, sila ang mga halimbawa ng maagang namayapa na kahit lumipas ang mahabang panahon ay buhay pa rin sa kamalayan ng tao. 

Happy Halloween! 


VFA: A Silent Rape

Noong lagdaan ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pinas at US noong 1998 marami ang probisyon sa kasunduan ang dehado ang Pinas tulad ng malayang paggamit ng military bases at paglabas-masok ng kagamitang pandigma sa teritoryo ng bansa. Kasama na dyan ang ‘di patas na paghawak sa mga kaso ng pasaway na mga sundalong ‘kano. Kung natatandaan ang kaso ni corporal Daniel Smith noon sa panggagahasa sa isang Pinay, walang nangyari sa kaso, at ni hindi man lang na-inquest ang salarin.

Ngayon ay isa na namang mas malalang kaso ang nagbigay bahid sa kasunduan. Dito’y lumalabas ang ilang kapalpakan ng kasunduang ito. Tinanggap ng Pinas ito kahit dehado dahil wala naman talagang magandang pam-bargain ang Pinas sa VFA na ito. Ang isa pa, para magsilbing panggulat na rin sa mga kairingan ng Pinas tungkol sa issue ng agawan ng teritoryo sa West Philippine sea. ‘Ika nga e,” may ‘kuyang’ tutulong sa amin kapag inatake nyo kami”. Pero ang tanong, maasahan ba talaga itong ‘kuya’ na’to kung sakali ngang sumiklab ang digmaan? Noong pumunta si Pres. Barack Obama sa Pinas noong nakaraang ilang buwan, wala siyang direktang sinabi na tutulong nga sa Pinas dahil sila ay may pinangangalagaang sariling ugnayan din sa China. Kasama sa kasunduan ang paggamit ng halos lahat na base military ng Pinas at kasama na nga ‘ata sa negosasyon ang ‘unlimited aliw’ ng mga sex workers at prostitutes at ilang ‘kapit sa patalim’ na mga pinays.  Kaya naman itong mga bisiting Kanong sundalo ay napaka-lax sa pananatili sa bansa. Nagagawa kahit anong gustong gawin at mga Pinoy pa ang naninimbang sa kanila. Heto na nga ulit ang ginawang walang kwentang krimen. Ayon sa ulat, inaakusahang pinatay ni PFC Joseph Scott Pemberton si Jeffrey ‘Jennifer’ Laude dahil  napag-alaman niya na isa palang transgender ang kanyang nadale. Kumbaga, parang sa deal ng mga sindikato ng droga, ipadalhan sya ng ‘fake goods’ kaya nagngitngit sa galit.  Pumunta ang mga ‘kano na yan sa Pinas para sa military exercises, eh parang iba ang pinaggagawa, ‘pototoy’ ang pinapaputok ng mga hinayupak. Wika ni Sen. Mirriam Santiago, "…"If the Philippines has primary jurisdiction, then it follows that the Philippines should have custody. But this logic is spurned by the VFA… When the US requests custody, the Philippines is required to comply immediately. But when the Philippines considers it to be an extraordinary case and requests custody, the US is merely required to give full account…This gross inequity is the elephant in the room…We are a stillborn state because our umbilical cord from the US has never been cut…" Ang gobyerno kasama na ang militar ng Pinas ay hindi natitinag bagkus ay umiiwas o itinuturing na maliit na bagay lang ang nangyari. Masakit tanggapin na magpasahanggang ngayon, ang mga Pinoy ay humahalik pa rin sa puwit ng mga Kano.

Hindi ako tutol sa VFA. Maganda ang hangarin ngunit nararapat na repasuhin ang kasunduang pumapaloob sa VFA. Bigyan ng balanseng pagtingin at pairalin ang umiiral na batas ng bansa sa mga ilang pasaway na bisitang ito. Sa estado ngayon, ang VFA ay pasimpleng pagsasamantala sa kahinaan ng bayang Pilipinas.









Markang Demonyo

Lagi kong naririnig noong bata ako sa mga tiyo at mga maglalasing sa amin, "ibili mo nga ako ang markang demonyo". Tinutukoy nila ang pinakapopular na alak sa Pilipinas maging sa ilang parte ng mundo na gin. Bilang bata, curious ako kung bakit markang demonyo ang tawag sa gin (actually Ginebra San Miguel ang brand nito). Habang tumatatagal, nagkaroon ako ng pakahulugan kung bakit markang demonyo ang tawag sa inuming iyon na kapag nakakainom ay parang mga sinasapian ng demonyo, tulad ng mga nagrarambo, naghahamon ng away, at nagwawasang sa bahay kapag nakakainom.

Kung babalikan ang kasaysayan, mahigit sandaang taon nang namamayagpag sa pamilihan ang alak na ito. Sinasabing inihanda ito sa makasaysayang Malolos Convention kung saan nabalangkas ang Malolos Constitution noong 1898. (Duda ako dito ah, parang usapang lasing lang ang nangyari noon, hehe). Aking napag-alaman din na ang label ng ginebra na pagmamay-ari ng business tycoon na si Don Enrique Zobel ay iginuhit ni National Artist Fernando Amorsolo na pinamagatang "Marca Demonio". 'Yun naman pala!

Tama na ang kwento, tagay nah, hik!


FHM Model ‘Scandal'

Kamakailan ay naging kontrobersyal ang post sa facebook ng isang magazine model. Inilarawan doon ang walang kamatayang sisteng Pinoy na ‘palakasan system’ at ‘connection system’ sa mga matataas na opisyal ng gobyerno o opisyal ng kapulisan at militar. Kapag may ‘kapit’ sa taas, matatamasa mo ang mga ‘special privileges’ na pagtrato at paggarantiya ng ‘immunity’ sa ilang umiiral na patakaran sa bansa lalo na sa regulasyon sa lansangan.   

Isang Alyzza Agustin, model ng FHM magazine ang ngayon ay umaani ng batikos matapos ang pagyayabang niyang pag-post sa facebook ng pagkaabwelto sa isang traffic violation dahil sa ipinakita nyang business card at ‘notes’ sa humuling MMDA traffic officer. Maganda at sexy pero ‘mukh ma fi’, hindi na naisip ang gulong idudulot ng kanyang post. Kunsabagay, ano ba naman ang pipigain natin sa isang 'bitch'?

Ganito ang nakasaad sa kanyang post:

“Nahuli na naman ako dahil coding but because of you Boss Alex wala ng huli huli. Thank you so much sa napaka useful mong card with matching dedication pa #happykid

Nakasulat naman sa likod ng business card:
“PLS ASSIST MY EA, ALYZZA AGUSTIN [signed]”

Dahil nakabalandra ang pangalan ng isang mataas ng opisyal ng pulis,  nagtrending ang post nyang iyon. Sa aking tantiya, ang EA ay ‘executive assistant’ ang kahulugan. Dahil kumalat sa social media ang insidente, naging laman din ito ng balita sa tv at radio at nakaabot sa kaalaman ng kapulisan at sa taong nakapangalan sa card na yaon. Isang Alexander C. Ignacio, director for plans ng PNP ang umalma sa post ni Agustin. Mariin n’yang itinanggi na sa kanya galing ang card na yaon at ni hindi n’ya kilala ang isang Alyzza Agustin. (Eh, sino ba naman ang aamin sa pagkakataon ‘yon?). Nitong nagdaang araw, napabalitang pinag-aaralan ng kapulisan na sampahan ng kaso si Alyzza.

Hindi ko na hahalughugin kung anuman ang tunay na relasyon ni Alyzza Agustin at ni Ignacio na’to. Hindi naman kaila sa marami na ang mga pulitiko at mga opisyal ng militar at pulis ay may kanya-kanyang ‘executive assistants’. Ang gusto kong pagtuunan dito ay ang kawalan ng galang sa batas, na tipong ang ‘feeling’ sa mga sarili ay hindi applicable sa kanila ang batas dahil sila ay matataas ang uri sa lipunan. Nakakangitngit kapag nakakarinig ng ‘kilala mo ba kung sino ako?..’ Yung pobreng gumagawa ng matinong trabaho ay nadadamay sa pagiging arogante, na kapag hindi binigyan ng ‘special courtesy’ ang mga hinayupak ay may kalalagyan siya. Kaya naman sunod na lamang sa baluktot na kalakaran ng lipunan. Paano titino ang sistema kung sa pinakamaliit at pinakasimpleng bagay ay may pambabastos sa batas?


Pinakamasahol na Paliparan

Topnotcher! Opo, No.1 na naman po ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa 10 Worst Airport in the World ayon sa Life Cheat Sheet website ngayong taon. Ayon sa website, matinding pakikipagtagisang-buno ng 32 milyong pasahero kada taon ang dapat sana’y pang 6 milyong pasahero lamang kada taon kapasidad ng paliparan. Inilahad din ng website ang pamantayang-sukat tulad ng, “walang modong mga tauhan, sira at panget na pasilidad tulad ng aircon at CR, mahabang pila, at siksikan. “ Noong nakaraang taon, ganito rin ang pananaw ng website na Guide to Sleeping in Airports,  Halos sa magkaparehong pamantayan, hinatulan ng naturang website bilang Rank#1 Worst Airport in the World. Hinusgahan ayon sa sumusunod ng criteria, Comfort: crowded terminals or uncomfortable/limited seating; Conveniences: terminal closes at night, no 24-hour food options or nothing to do on a layover; Cleanliness: dirty floors, bathrooms or food courts; and Customer Service: unfriendly staff or anti-airport sleeper policies. Idagdag pa natin yung mga tambay sa may labasan ng NAIA. Kunwari, tutulungan kang buhatin o itulak ang trolley kahit hindi naman kailangan ng tulong tapos hihingan ka ng 100-500 pesos. Hindi sila aalis, at hindi ibibigay ang iyong mga gamit na may kasamang pananakot hangga’t hindi aabutan ng pera. Bakit kaya hindi walisin at ipagbawal ang mga istambay sa NAIA na karamihan ay mga extortionists? Dagdag pasira ng imahe ng paliparan. Dagdag sa stress.

Noong isang taon, binisita ni Pangulong Aquino ang NAIA upang personal na inspeksyunin at napag-alaman niya na may katotohanan nga ang bali-balita. So, ano na ang plano? Anong petsa na ngayon? Wala pa ring kaayusan. Ang kanyang kalihim sa DOTC na nangangasiwa sa pagsasaayos nito na si Sec. Jun Abaya ay dating sundalo at abogado ay makupad umaksyon. Ang masama pa nito, hindi niya tinatanggap ang kahinaan ng airport. E, paano ba uumpisahang aaksyunan ang problema kung sa paningin ng isang tao ay hindi naman iyon problema? (Minana sa katangian ng boss nyang si PNoy, nang minsang kapanayamin ng media ang presidente tungkol sa problemang trapiko, aniya,  “ang traffic jam daw ay tanda ng progreso”, haisst!..) Marahil ang departamento ay hindi akma sa kanyang dating propesyon. Isang inhenyero dapat ang nangangasiwa sa sangay na ito. Ang hirap kase, sa pagpili ng iuupo sa mga sangay ng gobyerno, kung sino na lamang ang maisaksak sa puwesto kahit hindi akma ang kaalaman at kasanayan. Tulad na lamang ni MMDA Chairman Tolentino na isang abogado rin, kinamalayan ng taong ito sa mga gawaing teknikal at mga public works. Kung debate ‘yan pwede!


Marami ang nagngitngit sa pagwika ni Dan Brown na “Manila is gate of hell”. Ngunit heto na ang hubad na katotohanan na pilit itinatanggi at pinagtatakpan. Sa unang paghakbang pa lamang sa pultahan ng bansa, mararanasan ang paunang buga ng apoy ng ‘impyerno’.


Langit

Langit na patunguhan ang inaasam ng lahat. Langit na handog ng Diyos para sa mga taong namuhay sa mundo nang kalugud-lugod sa Kanya ayon na karamihang turo ng mga relihiyon. Everything is perfect in heaven, ayon sa paglalarawan dito. Ayon pa rin sa turo, temporary lamang ang buhay. Ito umano ay paghahanda o preparasyon lamang para sa kabilang buhay doon sa langit kung saan ang buhay ay walang hanggan. Marahil dahil sa nadevelop na pag-iisip na may halong pagkawindang, hindi matanggap ng tao na ang buhay ay nagtatapos sa pisikal na kamatayan. Kaya kailangang papaniwalain ang sarili na may buhay pagkatapos ng kamatayan.

Matter ba ang langit? Kung matter ang langit, ayon sa definition na pinaninwalaan ng tao, meron itong mass, and it occupy the certain space at the certain place. Samakatuwid ay nandoon lang ‘yan sa isang sulok ng ating universe or multiverse. Gaano katagal maglakbay ang isang indibidwal papuntang langit? Mas mabilis kaya sa speed of light? O teleport-type na lulusot na lamang sa isang butas at presto nasa langit na. Kung matter ito, mas malapit sa katotohanang matuklusan at maunawaan natin ang misteryong bumabalot dito. On the other hand, kung hindi matter, ibig sabihin wala itong konsepto ng biology, walang konsepto ng chemistry, at higit sa lahat walang konsepto ng physics.  Kumbaga, it’s beyond the laws that govern our universe. No particles made of. The clock is not ticking, walang konsepto ng oras. Sa madaling salita, napakahirap nitong arukin na ating pag-iisip. Kaya para sa madaling paraan ng pag-unawa, naimbento ang “concept of faith”, kung saan  hindi na kailangang mag-isip at hindi na kailangang magtanong, just believe it.


Bilang paggising sa realidad kung ano ang mayroon sa kasalukuyan at bilang simbolo ng kaluwalhatian at kaginhawaan, “Gawing Langit ang Mundo”, sabi nga ng kanta ng Siakol.



Susmarya Purisima!

May panawagan ang ilang sectors lalo na ang Chinese community na magbitiw si PNP Director Gen. Alan Purisima dahil sa tumataas na bilang ng krimen at kidnapping. Ang masakit pa nito, ilan sa mga krimeng ito ay kinasasangkutan pa ng mismong mga nasa hanay ng PNP. (Remember the holdap incident along EDSA?). Hindi raw sya epektibong hepe ng kapulisan. Bukod pa rito, kontrobersyal din ang kanyang pangalan dahil sa ilang iregularidad sa pagkakaroon nya ng mga ari-arian. Kahit ilang palusot ang sabihin, sa kabilang banda ay sabit pa rin.

Ito ang ilang halimbawa:
Ang mga luxury vehicles nyang  Land Cruiser Prado na nagkakahalaga ng P2.98 milyon, Toyota Alphard 2013, na halagang P3.2 milyon ay ‘heavily discounted’ daw, umabot halos ng 60% off, ano ‘to joke? Then, tinanong s’ya bakit hindi idineklara sa kanyang SALN, (Alam naman natin kapag ang isang public official ay hindi nagdeklara ng tamang SALN), bigla s’yang kumambyo na hindi talaga sa kanya ang mga naturang sasakyan kundi ipinahiram lang sa kanya.
Ang kanyang 4.7 hectares property sa Nueva Ecija ay nabili sa halagang P150,000 noong 1998. Ang galing naman, kahit siguro lupaing pinamumugaran ng Abu Sayaff sa Basilan hindi ka makakabili ng ganong kamurang lupa.

Ang tinaguriang ‘White House’ sa loob ng Camp Crame, ang opisyal na bahay ng PNP chief ay galing din diumano sa ‘donations’. Karamihang diumano ng kanyang mga ari-arian ay ‘donations’ or gifts galing sa mga kaibigan at kakilala.

Aba Officer, bawal ‘yan! Ayon sa RA 6713, Sec. 7. Prohibited Acts and Transaction. (d) Solicitation or acceptance of gifts. - Public officials and employees shall not solicit or accept, directly or indirectly, any gift, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value from any person in the course of their official duties or in connection with any operation being regulated by, or any transaction which may be affected by the functions of their office. At dahil dyan pwede syang kasuhang ng kasong administratibo.

Sa kabila ng mga kontrobersyang ito, ang MalacaƱang ay nagtatanggol pa rin kay Gen. Purisima. Ayon kay PNoy, si Gen. Purisima ay hindi maluho ang pamumuhay. Ngunit Mr. President, ang punto ay hindi kung naging maluho ang pamumuhay o hindi, kundi kung bakit may iregularidad na pag-aari si Gen. Purisima.

Payo ni Sec. Panfilo Lacson na dati ring naging hepe ng PNP kay Gen. Purisima, huwag na nyang hataking pababa ang presidente. Kung may delikadesa sya, hindi na raw dapat magkanlong sa pangulo.




Batas Militar (Wake me up when September ends)

Apatnapu't dalawang taon na ang lumipas nang balutin ang Pilipinas ng dilim ng Martial law. Ginugunita ngayong araw (September 21) ang Proclamation 1081 o Martial law na ipinatupad ni dating presidente Ferdinand Marcos. Nararapat lamang na gunitain ito dahil ang mga Pinoy ay may sakit na amnesia. Isang paalaala para sa mga nakakalimot sa hagupit at pasakit nitong ginawa sa Pilipinas. Ang mga mamamayan noon ay nababalot ng pangamba at takot, nagkukubli at umiidlip na lang sa isang sulok, at nagsasabing 'wake me up when september ends'. Sa panahon ng kanyang pagiging diktador, pinapatay niya ang 3,257 katao, pinahirapang pisikal ang 35,000 katao, at ipinakulong ang 70,000 katao. Sa pag-eestimate, umabot sa $10 Billion ang ninakaw ng mga Marcos sa kaban ng bayan na ngayon ay unti-unting binabawi. Ayon sa Tranparency International, si Marcos ay pangalawang pinaka-corrupt na taong nabuhay kaya nagugulat ang mundo nang minsang may sumasaging usapin tungkol sa pagiging bayani ni Marcos. Napapagkamalan tuloy ng daigdig na dakilang mga tanga ang mga Pilipino.

Wika ng anak niyang si Sen. Bongbong Marcos, may karapatan daw ang kanyang ama na ilibing sa Libingan ng mga Bayani. Ipagpalagay na nating may karapatan nga at darating ang panahon na ang kagustuhan niyang ito ay makuha ngunit paalala lang sa kanya, ang pagkilala sa kabayanihan ay nagmumula sa pangkalahatang pagkilala ng mga tao. Kahalintulad 'yan ng pag-ani ng respeto, hindi 'yan binibili, hindi inaagaw, hindi ipinipilit, kun'di kusa 'yang ibinibigay ng tao. Nakakahiya na nakalibing nga sa Libingan ng mga Bayani, iniismiran at tinatasan lang naman ng kilay ng mga dumaraan doon. Hiyang hiya naman yung mga lihitimong mga bayaning nakalibing doon. Hiyang hiya rin si Ninoy na kinikilalang bayani ay doon lang nakalibing sa Manila Memorial Park.

Hindi ko maintindihan sa mga istupidong fanatics at loyalista ni Macoy kung bakit sa kabila ng kademonyuhang ginawa sa bayan ay patuloy pa rin ang paghanga at pagsampalataya sa kanya, sampu ng kanyang angkan. Please lang, huwag nyo na kaming idamay sa inyong katangahan. Napakasimpleng unawain, halimbawa, may isang 'holdaper', tinutukan at ninakawan ka na, binatukan at tinadyakan ka pa, nasambit mo pang 'thank you, ang galing mo idol, balik ka ulet ha!'. Sa mga loyalista ni Macoy, huwag na nating baliin ang kasaysayan. Sa pangkalahatan, kung ating tutuusin, malayo ng sampung malayo ang kawalanghiyaang nagawa sa kanyang kabutihang nagawa.



Freethinkers are those who are willing to use their minds without prejudice and without fearing to understand things that clash with their own customs, privileges, or beliefs. This state of mind is not common, but it is essential for right thinking; where it is absent, discussion is apt to become worse than useless. -Leo Tolstoy