Hindi maikakaila na magpasahanggang ngayon, patuloy pa rin ang
pagdidiskrimina ng Pilipino sa uri ng trabaho at antas sa lipunan. Noong
nakaraang araw, kumalat sa social media ang isang nakapaskil sa isang condo
building (Icon residences). Isang Katherine Garrido ay naglabas ng memo sa
building at Nakalagay doon ang pagbabawal sa mga maids, drivers and service
crews na gumamit ng ‘regular’ na elevators at doon lamang sila dapat sasakay sa
service elevator. Gusto kong mawari kung anong makataong katwiran ang maaring magbigay
liwanag ang pangyayaring ito. Ang
service elevator ay ginagamit ng may malaking dala-dalahan o nakatrolley,
ngunit sa pagkakaunawa ko sa pangyayari, may dala man o wala, ang mga service
crews ay dapat iyon lang ang gagamitin. Bakit? mababaho ba ang mga services
crews na’to, may nakakahawa bang sakit, mapanganib bang kasakay sila? Samakatuwid,
ang building na’to ay nagdidiskrimina sa uri ng tao o uri ng trabaho ng tao. Maiihalintulad ito sa
Bapor Tabo sa nobelang El Filibusterismo ni Jose Rizal kung saan ang barko ay
nahahati sa dalawang seksyon, ang taas at ibaba. Sa ibabang parte naroon ang
mga intsik, meztiso at mga indyo na noon ay mababang uri sa lipunan,
samantalang ang itaas na bahagi naman ay naroon ang mga prayle at mga
nakabihis-europeo na itinuturing na may kapangyarihan at elitista. Ang mga nasa
ibaba ay hindi pwedeng makihalubilo sa mga nasa itaas. Sa nobela, tinutuligsa
ni Rizal, ang mababang pagtingin sa mga indyo (mga Pilipino) ng mga nasa taas
ng lipunan.
Ang bawat isa ay may kanya kanyang papel sa lipunan, may
kanya kanyang trabahong ginagawa. Hindi gagana ang isa kung wala ang isa. Sa
mga mauunlad na bansa, matataas ang respeto sa isa’t isa kahit anumang uri ng
trabaho mayroon, propesyonal, basurero, negosyante, tagalinis. Ang mga amo ay
hindi nagpapatawag ng sir o madam, senior o seniora, mas ginugustong magtawagan
sila sa first name dahil nga ang pagtrato ay hindi tumitingin sa kung anong uri
ng trabaho. Dahil unawa nila na hindi
rin sila makakapagtrabaho kung wala ang mga taong tumutulong sa kanila. Ganito rin ba ang pagtrato ng mga 'matataas' na pinoy sa mga service workers? Hindi, nandoon pa rin sa sinaunang kaugalian, kung saan mayroong amo, at mayroong alipin. Sinasabi ngang humahakbang tayong pabalik, hindi pasulong kaya wala sa pag-unlad ang bansa.
Habang ang mundo ay lumalaban sa racial discrimination,
religious discrimination, at work discrimination, heto’t tumatambad pa rin ang
ugaling Pinoy na sumasalangsang sa aspeto ng humanidad. Feeling siguro ng mapagmataas
na mga taong ito na sila lamang ang mga anak ng diyos. Kung tutuusin,
pare-parehas lamang na nagtatrabaho, kumakain,
natutulog , humihinga at pare-parehas lamang na mababaho ang tae, pare-parehas
lamang na nabubulok kaya walang dapat magmalaki at magmataas.
No comments:
Post a Comment