Sabi MO, ang gobyerno natin ay palpak.
Sabi MO, ang mga batas natin ay mistulang suhestyon at hindi
regulasyon.
Sabi MO, ang lokal na pamahalaan natin ay hindi maganda ang
pagkolekta ng basura at ang paglilinis ng mga lugar.
Sabi MO, hindi gumagana ang mga telepono, katatawanan ang
kalagayan ng trapiko, at hindi nakakarating sa paroroonan ang mga sulat.
Sabi MO, parang nasadlak sa basura ang ating buong bansa.
Sabi MO, puro kurakot ang mga opisyal ng gobyerno.
Sabi Mo, sabi MO, sabi MO.
Eh ano'ng ginagawa mo tungkol dito?
Kumuha ka ng isang taong papunta sa Singapore .
Bigyan mo sya ng pangalan, yung sa IYO.
Bigyan MO sya ng mukha, yung sa IYO. Lumabas KA sa airport
nang pinakamatino mong sarili na maipagmamalaki sa mundo..
Sa Singapore Hindi KA nagtatapon ng upos ng sigarilyo sa
kalye. Ipinagmamalaki MO ang magaganda nilang underpass. Nagbabayad KA ng mga
60 pesos para makapagmaneho sa Orchard Road (parang EDSA) mula alas 5 hanggang
alas 8 ng gabi. Bumalik KA sa parking lot para bayaran ang parking
tiket MO kung napasobra ka ng oras sa shopping o sa pagkain sa isang
restaurant.
Sa Singapore , wala KAng sinasabi, meron ba?
Hindi MO susubukang kumain sa lantad kapag Ramadan sa Dubai
.
Hindi MO susubukang lumabas ng bahay ng hindi naka-abaya sa
Riyadh.
Hindi MO susubukang lagyan ang isang empleyado ng kumpanya
ng telepono sa London para mapunta sa ibang tao ang mga long distance na tawag
mo.
Hindi MO susubukang lumampas ng 90 kilometers per hour sa
Washington, at saka sasabihin sa pulis "Alam mo kung sino ako?"
Hindi MO magagawang magbigay na 'lagay' kapag kumukuha ng
'driver's license' sa Milan.
Bakit di MO subukang dumura o magtapon ng upos ng sigarilyo
o balat ng kendi sa mga kalye sa Tokyo ?
Bakit hindi MO subukang bumili ng pekeng mga papeles sa
Boston tulad ng ginagawa sa Recto?
Pinag-uusapan pa rin natin IKAW.
IKAW na gumagalang at sumusunod sa patakarang banyaga sa
ibang bansa pero hindi makasunod sa sarili mong lugar.
IKAW na tapon ng tapon sa kalye pagtuntong mo pa lang sa
lupa.
Kung IKAW ay nakikisalamuha at pumupuri ng systema sa
bansang banyaga, bakit hindi KA maging ganyan sa Pilipinas?
Minsan sa isang panayam, ang dating Subic
Administrator at dating senador na si Gordon ay may katwiran ng
sinabi nyang "Ang mga aso ng mayayaman ay pinalalakad at pinadudumi ng
may-ari sa kalye, tapos sila mismo ang pumupuna sa may katungkulan sa kapalpakan
sa paglilinis ng mga kalye. Ano ang gusto nilang gawin ng mga may katungkulan?
Magwalis tuwing makakaramdam ng hindi maganda sa tiyan ang kanilang
alaga?" Sa America , bawat may-ari ng alaga ay dapat maglinis matapos ang
pagdumi ng aso. Ganuon din sa Japan . Gagawin ba ng mga Pilipino yun dito? Tama
sya.
Umaasa tayo sa pamahalaan na maglinis, ngunit hindi naman
tayo titigil sa pagtatapon ng basura sa kung saan-saan, at ni hindi tayo
pupulot ng anumang piraso ng papel para itapon sa basurahan.
Malaya tayong pumili ng gobyerno, nasa atin ang lahat na
karapatan upang magluklok ng mangangasiwa rito. Ngunit, bakit umiiral ang
katangahan at kabobohan sa oras ng eleksyon? Maliwanag pa sa sikat ng araw na
mandarambong at tuso na mga kandidato, sila pa ang ibinoboto.
Pumupunta tayo sa botohan para pumili ng gobyerno at
pagkatapos nuon ay tinatanggal na natin sa sarili ang responsibilidad. Uupo
tayo sa isang tabi at naghihintay ng pagkalinga at umaasa na gagawin ng
gobyerno ang lahat habang wala tayong iniaalay.
Pagdating sa mga panlipunang talakayin tulad nang hindi
pagiging tapat sa kasal, sa mga dalagang ina, sa pagtatalik ng walang basbas ng
kasal, at iba pa, maingay tayong nagpoprotesta ngunit patuloy naman nating
ginagawa ang mga ito.
Sa sandaling tayo ay mangulila kapag nasa labas tayo ng
bansa, naghahanap tayo ng aliw sa iba, kadalasan sa kapwa rin natin Pilipino,
na hindi natin iniisip ang ating katungkulan na ating sinumpaan sa ating
pamilya nuong narito pa tayo. Gayundin ang mga naiwan sa bansa, hindi na rin
naiisip ang sakripisyong pumunta sa ibang bansa upang mapunan ang
pangangailangan ng pamilya. Tapos sinisisi natin ang pamahalaan kapag nakikita
natin ang karahasan sa kabataan, pagkagumon sa bawal na gamot, at iba pa,
samantalang sinimulan natin ito sa hindi pagpansin sa pangangailangan ng ating
mga anak ng tunay na pag-gabay at responsibilidad ng isang magulang.
Ang sabi natin, "Ang buong sistema ang kailangang
magbago. Ano ang magagawa kung ako lang ang magpapabago sa aking pamilya?"
Eh sino ang magbabago ng sistema?
Ano ba ang mga sangkap ng sistema? Napakaginhawa sa atin na
ang sistema ay binubuo ng ating mga kapitbahay, mga ibang tahanan, ibang
syudad, ibang komunidad, at ang pamahalaan. Pero hindi kasama IKAW at AKO.
Pagdating sa ating pagkakaroon ng positibong handog sa sistema, ikinakandado
natin ang sarili, pati na ang ating pamilya sa loob ng isang ligtas na pugad at
tumatanaw na lang tayo sa malayong mga lugar at bansa at naghihintay ng isang
Mr. Clean na dumating at maghatid ng mga himala.
O lumilikas tayo. Parang mga tamad na duwag na hindi
pinatatahimik ng ating mga takot, tumatakbo tayo sa Amerika upang makisalo sa
kanilang luwalhati at purihin ang kanilang sistema. Pero pag naging
masalimuot sa New York tatakbo tayo sa Japan o Hongkong. Pag nagkahirapan ang
paghanap ng trabaho sa Hongkong at kalamidad sa Japan, sakay agad tayo sa
susunod na eroplano patungong Gitnang Silangan. Pag may digmaan sa Gulf,
inaasahan nating masagip at mapauwi ng sinasabi MOng bulok na Gobyernong Pilipino.
Lahat ay handang umabuso at gumahasa sa bansa. Walang
nag-iisip na handugan ang sistema. Ang konsyensya natin ay nakasanla sa pera.
Mga mahal kong kababayan, ang sulating ito ay matinding nakakakislot ng isipan,
nangangailangan ng maraming pagmumuni-muni, at tumutusok din sa konsyensya.
Medyo inuulit ko lang ayon sa ating salita ang mga salita ni John F.Kennedy sa
kanyang kabansa upang maitugma sa ating mga Pilipino:
"Huwag nating itanong kung ano ang magagawa ng bansa
para sa atin kundi ang itanong natin kung ano ang magagawa natin sa ating
bansang Pilipinas at gawin ang nararapat upang ang Pilipinas ay maging tulad ng
Amerika at ibang kanlurang bansa ngayon."


No comments:
Post a Comment