Ang tingi-tinging pag-iisip at paggawa ay isang katangiang
Pinoy na nanalaytay sa ugat mula noon hanggang ngayon. Kaya naman ang
kasaysayan ng Pilipinas ay payak din lamang kung ihahalintulad sa mga great
nations and cities noon pa mang pasimula rin ang kanilang sibilisasyon.
Hanggang ngayon ito pa rin ang kulturang umiiral sa mga Pinoy na marahil ay isa
sa pangunahing dahilan kung bakit napakabagal ng pag-usad ng pag-unlad ng
bansa. Ang konsepto ng ‘isang kahig, isang tuka’ na karaniwan pa ring masasalamin
sa mga Pinoy sa pang-araw-araw na pamumuhay ay may malalim na pinagmulan noon
pa mang namuhay ang mga sinaunang Pilipino. Ang pinagpaguran ngayon ay saktong
pangkain lang mamaya, ang ginagawa ngayon ay siyang gagamitin din lamang mamaya.
Kumbaga, walang excess product o walang konsepto ng mass production kase nga
utak-tingi at maliit mag-isip ang Pinoy.
Ayon sa sanaysay na ‘The Heritage of Smallness’ ni National
Artist Nick Juaquin, maliit mag-isip ang
Pinoy. Mahihinuha sa kasaysayan ang mga patunay na ang pag-iisip at paggawa ng
mga Pinoy ay limitado lamang sa maliit ng aspeto. Kung magagawi tayo sa
National Museum, ang mga nakadisplay lang doon ay pawang mga gawa sa simpleng material
at payak na kaanyuan na ginawa ng taong namuhay noon sa Pilipinas. Banga,
pulseras, kwentas, palayok na gawa sa luwad at iba pang malalambot na bagay.
Hindi sila sumubok ng mga materials na nangangailangan ng komplekadong
pag-iisip at kasanayan para hulmahin. ‘Ika nga e, they cede to the materials
that resist, malayo sa ibang nasyon na may makikitang mga artifacts na may
komplikadong desinyo at kagamitan kahit sa pasimula ng kanilang sibilisasyon
tulad ng porselana, at curved and shaped metals, mga makasaysayang pinta at
iskultura. Kung tutuusin, may kasanayan ang Pinoy sa gawaing maliliit, yung mga
tipong kutkutin ngunit takot sumubok sa pangmalakihan. Ang rice terraces sa Ifugao
na ipinagmamalaking ‘man-made wonder’ ay gawa rin lamang sa paunti-unting
paghulma sa kabundukan na pinagdugtong-dugtong sa loob ng ilang henerasyon
ngunit ito ay walang tinatawag na masterplan. Malayo sa pagkakagawa tulad ng
mga istrakturang nasa ‘7 Wonders of the World’, na may komprehensibong plano at
ginamitan ng komplekadong pag-iisip. Ang isa pa, ang pinoy ay napapako na
lamang sa isang nakasanayang gawin, paulit-ulit, hindi nag-iimprove ang
produkto o hindi naglelevel-up sa mas makabago at komplikadong gawain.
Hanggang ngayon, heto pa rin at namamayagpag ang kaliitan at
kababawang mag-isip ng Pinoy. Halimbawa, karamihan sa mga magsasaka sa
kanayunan ay kalabaw pa rin ang gamit sa pag-aararo habang ang ibang nasyon ay
gumagamit na ng planting machines. Sa transportasyon, jeepney pa rin ang
naghahari sa lansangan na ang disenyo ay mula pa noong world war II at naaangkop
lamang ang pagkakagawa para sa paghahatid ng mga sundalo sa military operations
hindi para gamitin ng publiko. Andyan pa rin ang tricycle, kuliglig, padyak at
trolly sa riles na parang laruan lamang ng mga bata ay kasama pa rin sa
itinuturing na PUV at nagiging sanhi pa rin sa nagsisikip ng makikipot na
lansangan sa bansa. Ang mga bus na basura ng China at Japan ay gumugulong pa
rin sa kamaynilaan kahit kakaragkarag na at madalas masiraan. Kaya naman ang
resulta, napakabigat na trapiko na kung susumahin ay mas lalong maraming pagod
at oras ang nasasayang, mas maraming enerhiya ang nawawala. Kung
ang ibang bansa ay nagtatayo na ng magnetic levitated train, ang DOTC ay hindi
magawan ng paraan kung paano mapapatinong patakbuhin ang MRT at LRT. Kung ang
ibang bansa ay iniisip na kung paano makakarating sa buwan o sa Mars, ang nasa
isip pa ng mga Pinoy ay kung paano makakarating sa Japan, Canada, o US. Masipag
ang mga Pinoy kaya nga lang kulang sa abilidad. Iba ang masipag sa maabilidad. Ang
mga naglalako ng may sunong na aparador ay kilo-kilometrong naglalakad
maghapon, maswerte na kapag may nabenta
at minsan ay hulugan pa, ang mga naglalako ng piso-pisong di-hawlang maya na
maghapong binabantayan, ang maghahabing isang linggo ginagawa ang isang
sweat-shirt ay ilang halimbawa na maraming naaaksayang oras at pagod para sa
isang maliit na gawain o karampot na finished product . ‘Ika nga much effort gets less, work more make
less. At kapag pinagsasabihang hindi
sila gumawa ng produktibong gawain ay laging pamatay na sasabihin, ‘kaysa wala’
o ‘kaysa magnakaw’. Ayos lamang para sa
isang tindero ng tindahan kung bibilhan siya ng isang stick na sigarilyo,
pisong suka at toyo, isang sachet na shampoo kahit sa oras ng pagsisyesta. Kung
sa ibang nasyon ito gagawin siguradong mura ang aabutin ng bumibili dahil sa
kanila ang pinakamaliit na transaksyon ay kada kahon, kada bundle, kada dosena,
dahil para sa kanila, isang pag-aaksaya ng oras at pagod ang tingi-tinging
negosasyon.
Maging sa political government, tingi rin ang konsepto ng
Pinoy. Barangay ang pinakamaliit na yunit ng lipunan dahil kung ang munisipyo
ang pangunahing yunit, iniisip na maaring hindi na kayang hawakan ang
nasasakupan dahil ito’y lubhang ‘malawak’ para mapamunuan. Hindi pa riyan
natatapos ang paghahati ng yunit ng pamunuan, sa isang barangay, may sub-unit
pa rin, nariyan ang sitio, zone na may kanya-kanya ring nakatalagang sub-leader.
Kapag lumalaki na ang populasyon ng isang bayan, ito ay nahahati na sa isa pang
bayan, at nanganganak ng isang pang bayan
dahil nga ayaw ng malaking gawain, ayaw ng malaking isipin at ayaw ng malaking
responsibilidad. ‘Ika nga, “we do not grow up, we split like amoeba”. Sa kasaysayan, nagpasimula lamang ang istorya
ng Pilipinas noong ikalabing-anim na siglo kung kailan dumating si Magellan sa
Pilipinas. Ngunit kung tutuusin, bago pa man dumating ang mga Kastila may pamunuan
nang umiiral sa mga isla kaya nga lamang ay pulu-pulutong o walang centralized
government. Ang mga datu at raha noon ay tamad maggalugad, walang tribu ang
namayagpag na sakupin ang iba pang tribu upang makalikha ng isang malaking
sakop o magsanib ang mga tribu upang makalikha ng isang malaking teritoryo at
mas lumakas na pwersa laban sa mga mananakop.
Dumako tayo sa mga pagawaing bayan, buhat noon, ano na ang
nagawang malakihang imprastraktura na mapapansin ng mundo? Noong panahon ni
Macoy, nakapagpatayo siya ng nuclear power plant sa Bataan, ngunit ni minsa’y
hindi nagamit dahil sa takot sa radioactive emission at nagmistulang pagapangan
na lang ng upo at kalabasa . Sa wari ko ba’y parang mga katutubong nakabili ng
gas stove na hindi ginagamit dahil takot at baka sumabog. Sa Metro Manila, hindi
umuubra ang makikipot na lansangan sa mataas
na volume ng mga sasakyan at ni walang nakakaisip at nagpaplanong magdagdag ng
ilang layers ng skyway upang lumuwag ang trapiko. Ilang dekada na rin ang
kinakalbaryo ng mga mamamayan tuwing tag-ulan? ‘Ika nga maihi lang ang kabayo,
siguradong babaha na sa Metro Manila. Nasaan na kaya ang ipinagmamalaking flood
control project ng MMDA noon na kapag bumaha raw, sa loob ng kalahating oras ay
huhupa na. Ang hindi ko lang alam kung alin ang mawawala, yung tubig o yung
lupa. Ito ay taun-taon nang suliranin na buhay at kabuhayan ang nakataya, bakit
kaya hindi makapagsimula ang komprehensibong plano para sa flood control? Marahil
nga siguro ay makitid at limitadong mag-isip ang mga pamunuan nito na iniluklok
ng mga may makitid at limitadong pag-iisip din.
Sa panahon ng eleksyon, umiiral din ang pagiging utak-tingi.
Hindi kayang arukin ng pag-iisip ng ordinaryong botante ang pag-aralan ang kakayahan
ng isang kandidato at halungkatin ang
tunay na pagkatao nito. Kontento na ang
mga bobotante sa iniabot na pangmiryenda kapalit ng boto. Superhero ang dating
ng pulitiko kapag may dalang relief goods na mas mahal pa ang pagkakaimprenta
ng pagmumukha sa bag na lalagyan. Mas lalamang sa balota ang mga kandidatong
kumakanta at sumasayaw sa pangangampanya, ang mga kandidatong artista na bumibida sa
pelikula, ang malalakas umepal sa mga kaganapan sa bansa dahil mas ginugusto ng
tao ang mala-variety shows ang kanilang masasaksihan sa campaign rally hindi
para pag aralan at kilatisin ang mga kandidato. Dito magagaling ang mga Pinoy, mas
nahuhumaling ang Pilipino sa entertainment kaysa development. Okay lang walang
makain basta may kasiyahan.
Ngunit ang masasabi ko, may mga pangmalakihang bagay na
kilala ang Pinoy sa mundo, malaking populasyon at ang mga pulitiko, malakihan kung mangurakot,
that’s it! Habang ang mga Pinoy ay hindi
nagbabago ng kultura ng kaliitan, malabong makagawa ng malaking hakbang sa
pag-unlad dahil ang utak-tingi ay kapatid ng UTAK-TANGA.