Ang Probinsyano bow

Umalma ang hepe ng kapulisan na si Dir. Gen. Oscar Albayalde sa itinatakbo ng kuwento ng teleseryeng 'Ang Probinsyano' sa tv network na ABS-CBN. Sa isang segment ng istorya may paglalarawan doon ang malawakang kurapsyon at kasamaan ng PNP dahil ang pinakamataas na hepe mismo ng organisasyon ay sangkot sa mga kasamaan at katiwalian. Sa pagpapalawig pa ng daloy ng istorya, maging ang presidente ng Pilipinas ay sangkot sa katiwalian.



Naroon na tayo sa puntong ang teleseryeng ito ay kathang-isip lamang at walang kinalaman sa anuman o sinumang indibidwal o organisasyon pero hindi ito naaangkop na ipalabas sa PRIMETIME, ARAW-ARAW sa loob ng MAHABANG PANAHON sa isang NATIONAL TELEVISION. Kathang-isip lamang na maturingan pero gumagamit ang teleserye ng kilalang institusyong haligi ng bansa. Nariyan ang 'Presidente ng Pilipinas', 'PNP o Philippine National Police' at iba pa. Isama na dyan ang mismong tunay na uniporme at ensinya ng mga pulis, president seal, at watawat ng pilipinas.

Ang mga hindi nakukuha ang punto ng hepe ng PNP, sinasabi nilang bakit daw masyadong apektado sa istorya. Kinukutya sa social media dahil sa pagiging balat-sibuyas. Gumawa na lamang daw ang trabaho nila ng tama. Ang punto ay ganito, subukan kaya nilang gumawa ng episode na may istoryang pedophiles na mga pari, korupsyon sa CBCP? As in, Catholic Bishops of the Philippines ang ipapangalan sa 'institution character'sa palabas. Ano kaya ang masasabi ng mga tao? Ano ang sasabihin ng simbahan?

Tutal, gumamit na rin lang ng mga tiyak na mga ngalan ng institusyon sa istorya, bakit hindi ginamit ng teleserye ang 'ABS-CBN' name bilang isang corrupt na media? Bakit sa halip ng 'Pulang Araw' ay 'CPP/NPA' ang ginamit na gumaganap bilang taong labas?

Sa teleseryeng ito, ng pinakamataas na opisina ng bansa at ang pinakamataas na tagapagpatupad ng batas ay sangkot sa kasamaan at katiwalian. Sa loob ng  mahabang panahong pag-eere ng ganitong scenario, sa isipan ng mamamayan, ito ay nalalapit na sa katotohanan. Dahil dito, sa gilid ng kanilang isipan ay ang pagkawala ng tiwala at pag-aaklas laban sa pamahalaan.

Hindi naaangkop na 'ibabad' ang publiko sa ganoong setting ng kwento. Kahit sabihing teleserye lamang 'yan, may malaking epekto 'yan sa kondisyon ng kaisipan ng mamamayan. Lalo pa sa karaniwang Pilipinong mas lumalabas ang emosyon sa mga palabas at teleserye sa tv kaysa sa tunay na balita.
Freethinkers are those who are willing to use their minds without prejudice and without fearing to understand things that clash with their own customs, privileges, or beliefs. This state of mind is not common, but it is essential for right thinking; where it is absent, discussion is apt to become worse than useless. -Leo Tolstoy